Mayroong iba’t ibang klase ng ilaw ng tahanan — may mga inang maalaga at maalalahanin sa pamilya, may mga nanay na masipag at gagawin ang lahat para sa kanyang mga anak, may mga mama na tumatayo rin bilang papa, may mga mommy na bagets at millennial-ish, may mga mudrang ‘sige, go lang’ sa kung anumang gusto ng kanilang mga anak — pero siguro ang natatanging karakter na maipagmamalaki ng isang ina ay ang kanilang pagiging selfless.
Biruin mo, iibahin ang sariling pangalan na kinalakihan para sa kanyang minamahal, inialay ang buhay at naghirap ng siyam na buwan sa pagdadalang tao at maghihirap pa ulit ng ilang taon sa pagpapalaki sa kanyang mga anak (at patuloy pang sasakit ang ulo sa susunod pang mga taon). Pero sa kabila ng mga pawis at luha, mga sigaw at galit, hinding-hindi mapapantayan ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak.
Marami mang makasalamuhang mga kaibigan sa paglabas ng bahay, makakilala man ng nais na makasama sa buhay, malayo man ang marating ng mga paang minsang tinuruan nilang maglakad, mas masarap pa rin sa pakiramdam ang bumalik sa yakap ng isang ina. Alam kong iba-iba tayo ng perspektibo sa buhay at may kani-kaniyang ina na hinahangaan, pero para sa akin, ikaw pa rin Ma, ang pinaka-kakaibabe sa lahat. Labyu! Happy Mother’s Day! Pati sa mga ina nating lahat!